Ang mga lente, kahit gaano kamahal o kagarbo ng mga materyales na ginamit dito, ay hindi perpekto. Napansin niyo rin ba na matalim at detalyado ang sentro ng mga imahe ngunit bahagyang malabo ang mga sulok at gilid?
Matagal na itong problema sa industriya ng kamera. Sa katunayan nga ay ang karamihan sa mga gumagawa ng kagamitang optika ay sumuko na sa paghahanap ng solusyon. Maski sina Isaac Newton at ang Griyegong Matematiko na si Diocles ay hindi umubra dito.
Ngunit ibahin natin si Rafael G. González-Acuña, isang estudyante ng Tecnologico de Monterrey sa Mehiko, at isang Mehikanong Pisiko. Sa wakas, nalutas niya ang 2,000-taon nang problemang ito. Ang solusyong ito ay maaring mag-resulta sa mas murang pag-mamanupaktura ng mga lente at mas malinaw na kuha ng mga litrato kahit sa mga sulok at gilid.
Ano Ba Ang Spherical Aberration?
Ang kurbadong salamin ng lente ay may kakayahan dapat maglipat ng mga sinag ng ilaw tungo sa iisang target o focal point. Ngunit dahil sa pagkakaiba-iba ng refraction, hugis, at mga materyales na ginamit sa paggawa ng lente, madalas ay hindi nararating ng ilang sinag ng ilaw ang target na ito. Ang tawag dito ay spherical aberration.
Ito rin ay binansagang problemang Wasserman-Wolf simula pa noong 1949. Ang hindi pag-tama ng ilaw sa focal point ay nagre-resulta sa malabong kuha ng mga kamera o hindi malinaw na resolusyon ng mga lente.
Sa ngayon, dahil sa mga makabagong pagdi-disenyo, dagdag na rin ang paggamit ng aspherical lenses na tumutulong para kontrahin at itama ang epekto ng spherical aberration, ay lumalapit na tayo sa paglikha ng malilinaw na imahe.
Ngunit napakagastos ng mga paraang ito at hindi pa rin nito isang daang porsyentong napalilinaw ang mga imahe.
Ang Matematikong Solusyon
Dahil kay González-Acuña, maaari na nating makita ang isang buong imahe; gitna, sulok, at mga gilid, nang malinaw at detalyado.
Matapos ang ilang buwang pag-aaral, nakatuklas siya ng ekwasyon at analitikong solusyon kontra spherical aberration. Ang solusyong ito ay makatutulong hindi lamang sa mga litratista, ngunit pati na rin sa mga siyentipiko at mga nagta-trabaho sa larangang medikal.
Ang kanyang pormula ay magsisilbing gabay sa mga tagagawa ng lente na ginagamit sa kamera, mikroskopyo, teleskopyo at iba pang gamit pangkuha ng imahe. Magbubukas rin ito ng posibilidad na mas mapamura ang mga kagamitang nabanggit dahil ang pormula ni González-Acuña ay gumagamit ng mas murang materyales.