Samantala, lima sa sampung pangunahing bansa na nagluluwas din ng saging ay matatagpuan naman sa Latin Amerika gaya ng Dominican Republic, Guatemala, Colombia, Costa Rica, at Ecuador. Lahat ng mga bansa na ito ay may katumbas na $14 bilyon.
Ang saging na nagkakahalaga lamang ng Php50 kada kilo sa lokal na pamilihan ay nanganganib nang maubos dahil sa Fusarium Oxysporum fungus na tinatawag na Tropical Race 4 (TR4). Partikular na inaatake ng TR4 ang Cavendish Banana o mas kilala rin sa Pilipinas na lakatan. Dahan-dahan nitong pinapatay ang nabanggit na pananim sa pamamagitan ng unti-unting pagkuha ng nutrisyon mula dito.
Unang natagpuan ang TR4 sa Taiwan noong 1967 at nagsimulang kumalat sa mga katabing bansa, partikular sa Silangan at Timog-Silangang Asya noong 2000. Ngayon, nakarating na rin ito sa mga bansa sa Latin Amerika na itinurutintinuturing na sentro ng export ng saging sa buong mundo. Maaaring kumalat ang TR4 sa palayan sa pamamagitan nang pagkapit nito sa mga kagamitang pangsaka, sa lupa, o sa tubig. Ayon kay Dan Bebber, isang eksperto at guro ng bioscience sa Exeter University, “Kapag ito ay nasa isang bansa na ay napakahirap na nitong alisin. ”
(“Once it’s in a country it’s very hard to get rid of it.”)
Panganib Na Dulot Ng TR4
Kung ang TR4 ay nakakaapekto lamang sa isang uri ng saging, ang lakatan, bakit pinangangambahang maubos nito ang saging sa buong mundo? Ayon sa datos, lakatan ang pinakamaraming naitatanim kumpara sa iba pang uri ng saging. Ito ang pinakamabenta sa pamilihan sapagkat madalas itong kainin bilang panghimagas. Maaari itong kainan kung hinog na o hindi naman kaya ay isama sa iba pang klase ng minatamis tulad ng Bilo-Bilo, Saging con Hielo, Banana Pie at iba pa.
Malaki ang magiging epekto sa kabuhayan at ekonomiya kung tuluyang mananaig ang TR4 dahil 99% ng mga saging na ine-export ng iba’t ibang bansa ay lakatan. Inihalintulad ng mga eksperto ang kasalukuyang pangyayari sa sinapit ng Gros Michel banana noong 1950s. Ang Gros Michel ang masasabing lakatan noong 1950s dahil halos lahat ng bansang nagtatanim ng saging ay ito ang pangunahing produkto. Nasira at tuluyang naubos ng naunang klase ng Fusarium fungus ang Gros Michel. Kung di maagapan ng mga eksperto ang problemang dulot ng TR4, maaaring sapitin din ng lakatan ang nangyari sa Gros Michel ilang taon mula ngayon.
Upang mapuksa ang fungus na ito, maraming pag-aaral na ang isinasagawa. Isa dito ang gene modification. Noong 2018, ang plant biologist na si James Dale ay ipinakita na posibleng ibahin at ayusin ang genome ng lakatan upang makalaban ito sa mga sakit. Sa kabilang dako, sinusubukan na din makatuklas ng bagong klase ng saging sa pamamagitan ng cross-breeding upang magkaroon ng mas matibay at mas magandang uri ng saging.
Kung sakali man magbunga ang nasabing mga pag-aaral, hindi pa rin mapapalitan ang pag-iwas sa monoculture/monocropping o pagtatanim ng iisang klase ng saging bilang pangmatagalang solusyon. Nakakasama sa lupa ang monocropping dahil nauubos din nito ang sustanyang dala ng mga pananim. Napipilitan tuloy na gumamit ng pampataba ng lupa at pestisidyo ang mga magsasaka upang mapawi ang naubos na sustansya sanhi ng monocropping.